Episodios

  • Imperio Romano J Caesar 20 (Sa Uzita)
    May 24 2025

    Podcast 20 ( Sa Uzita)

    “….Mula ika a-uno ng Enero, nagdatingan ang karagdagang mga tauhan sa hukbo ni Caesar. Noong ika kuwatro ng Enero, nagkasagupaan ang kampo ni Caesar at ng mga Optimates. Ang puwersang Optimates ay pinamunuan ni Titus Labienus. Sa nangyaring bakbakan, nasugatan ng mapanganib si Heneral Petreius sa kampo ng Optimates. Maraming mga nabawas sa puwersa ni Caesar subalit napabalik niya ang kanyang mga tauhan sa kampo at nakabawi sila. Pagkatapos nito, nagbalikan ang magkabilang panig sa kani-kanilang kampo.

    Pinatibay ni Caesar ang kanyang kampo sa Ruspina nang higit na matibay. Dinagdagan niya ang mga guwardiya. Nagpalagay siya ng dobleng pandepensang hukay; isa mula Ruspina hanggang sa dagat. Isa ay magmula sa kanyang kampo hanggang sa dagat upang maseguro niya ang komunikasyon at pagdaloy ng suplay at probisyon nang walang panganib. Nagpakuha siya ng maraming mga tunod na gamit sa digmaan, mga armas at kasangkapang gamit sa digmaan at sinandatahan niya ang iba sa hukbo ng mga mandaragat, gayundin ang mga tauhan niya mula sa tribung Gaul, mga taga Rhodes at iba. Naglagay din siya ng mga sandatahang tropa na kasama ng kabalyerya. Pinalakas niya ang kanyang armi sa pagdagdag niya ng mga mandirigmang taga Syria at mga bihasang mamamanang taga Iturea. Nalaman niya na noon na susugpon ang hukbo ni Scipio na binubuo ng walong lehiyon at tatlong libong kabalyerya sa napagsamang puwersa nina Labienus at Petreius...”

    SA UZITA

    “…Mayroong malapad at malalim na lambak na matarik na palusong ang kanyang tagiliran at ito ay dadaanan ni Caesar bago siya makarating sa burol na kanyang pakay na okupahan, at sa likud nito ay makapal na kakahuyan ng mga matatandang punong olibo. Kabisado ni Labienus ang kapaligiran ng kakahuyan at alam niyang dadaan si Caesar sa lugar na iyon kaya naghanda siyang mangtambang kasama ng kanyang magaang impanterya at bahagi ng kabalyerya. Kaalinsabay nito, nagpalagay siya ng mga kabayo sa likuran ng burol na ang plano niya ay kung bigla nilang makatagpo ang impanterya ni Caesar, maari silang biglaang umabanse mula sa likud ng bundok. At sa gayun, malulusob si Caesar sa parehong harapan at likuran niya at mapaligiran ng panganib sa lahat ng dakoat dahil hindi siya makakapag-atras o makakapagsulong, siya ay madali na lamang paslangin ng hukbong Optimates.

    Walang kahina-hinala noon si Caesar sa plano ni Labienus na tatambangin siya at pina-una niyang pinapunta ang kanyang kabalyerya.”

    “…Habang nagaganap noon ang nasabing sagupaan sa pagitan ng kampo ni Caesar at ang panig ng Optimates sa Uzita, dalawang lehiyon – ang pangsiyam at pangsampu ay dumating sa Ruspina na lulan sa barkong galing Sicily. Noong napansin nila ang mga barko ni Caesar na nakahilerang nakahinto sa may bandang Thapsus, at sa pag-aakalang baka barko iyon ng kalaban na naka-estasyon doon upang harangan sila, nagpasya silang tumigil sa laot; at noong lumaon dulot sa pagdating ng malakas na hangin na namaghahagis sa kanila sa alon, at dahil sa kanilang pag-kauhaw at kagutuman, doon na lamang sila dumating sa kampo ni Caesar….”

    Please listen to the podcast for the full story.

    Más Menos
    45 m
  • Imperio Romano J Caesar 19 (Aprika)
    May 23 2025

    “… Pagkatapos niyang mai-ayos ang pamunuan, sinundan ni Caesar ang lupon ng mga Optimates sa Aprika upang minsanang resolbahin ang oposisyon sa kanyang pamunuan.

    Lumapag siya sa Hadrumentum, sa may silangang pampang ng modernong Tunisia sa Aprika….Abalang -abala sa panahong iyon ang grupong Optimates sa kanilang pagpapalaki ng kanilang hukbo at sa kanilang pakikipag-alyado sa mga bayan. Nakuha rin nilang kaalyansa ang hari ng Numidia na si Haring Juba at may malaking hukbo ng mga mandirigmang Numidia.

    Sa kabilang panig, dahil nag-aalanganing maniwala ang mga tao sa probinsiyang Aprika na totoong naroon si Caesar nang personal, bagaman alam nila na mayroong mga tenyenteng legatus siya na nagdatingang kasama ng kanyang puwersa,.”

    “…Kaagad siyang nagpadala ng sulat sa Sicily, kay Allienus at Rabirius Posthumus, ang mga praetor doon, para sabihan silang madaliin nilang ipadala ang naroroong kasama ng kanyang hukbo. Ipinagdiinan niyang gawin ito sa pinakamadaling panahon at hindi na dahilan pa ang taglamig o ang pagkakaroon ng malakas na hangin. Kinailangan na itong gawin en punto,….”

    “.., Bagaman pinagtabuyan siya ng ilang beses, nagpursige si Virgilius na nanghabol hanggang sa nahagip niya ang isa sa mga bapor ni Caesar.”

    “…Sa kabilang dako, kaalinsabay ng mga nangyayaring pagmamasiran at paghahanda ng kampong Caesar at Kampong Optimates sa Ruspina ng paghaharapan, abala din ang kaalyado ng mga Optimates na si Nakababatang Cato. Si Cato ay kumandante ng puwersang Optimates sa Utica at doon ay araw-araw siyang nangangalap ng mga bagong kaanib ng kanilang hukbo. Nangunguha siya ng mga Libertini, Aprikano, mga alipin na nasa edad ng pagiging mandirigma at kaagad niyang ipinapadala ang mga ito sa kampo ni Scipio.”

    “…Sa kapatagan na pinagkayarian ng naganap na labanan, ay may isang malaking bahay na may apat na torre at ito ay bumara sa paningin ni Labienus kaya’t hindi niya nakita na hinarangan siya ng kabalyerya ni Caesar. Kaya wala siyang kamuwang-muwang sapagdating ng kabalyerya ni Caesar hanggang sa napansin niya na siya ay nilulusob mula sa kanyang likuran; bagay ito na nakasindak sa kabalyeryang Numidia at kaagad na nagtakbuhan ang mga itong lumayas. Ang mga kabalyeryang galing Gaul at mga Aleemanni na humarap sa mga sumugod na kabalyerya ni Caesar ay napaslang lahat. Nakita ito ng mga lehiyon ni Scipio na nakahilera sa pormasyong pandigmaan saharap ng kampo at sa nakita nilang pagkawasak ng kabalyerya ni Labienus, sila’y nagtakbuhan para tumakas. Kasama si Scipio, lahat ng lehiyon nito ay nagtakasan mula doon. Nagpatunog si Caesar ng hudyat para bumalik ang kanyang kabalyerya at inutusan niya lahat ang mga ito na magkubli sa kinubkob nilang pangdepensa. Tiningnan ni Caesar ang kapatagang nakaganapan ng sagupaan at doon, nagkalat ang nagdagsaang mga napaslang na tauhan ng kaaway.”

    “…Pinalabas niya ang kabuu-an ng kanyang armi at pinagporma niya sila ng apat na hanay. Pinagawa niya ang unang hanay na kabalyerya at sinuportahan ito ng mga elepante na may mga tore sa kanilang mga likuran. Sa pag-aakala ni Caesar na lumapit si Scipio na ang pakay niya ay makipagbakbakan, nagpatuloy siya sa kanyang kinaroroonan na hindi malayo sa bayan. Kay Scipio, ang bayan ang siyang sentro ng kanyang harapan at pinalayo niya ang kanyang dalawang tagiliran at ang kanyang mga elepante ay kitang-kita ng armi ni Caesar…”

    Más Menos
    34 m
  • Imperio Romano J. Caesar 18 (Ruspina)
    May 21 2025

    “…Mula sa Turkiya, bumalik si Caesar sa Roma upang isaayos ang kanyang otoridad at resolbahin ang mga ibang mga kumplikadong mga problemang pulitika doon. Kabilang sa salimuot na kanyang kailangang tugunan ay ang panganib ng kawalang katatagan na dulot ng patuloy na pag-organisa ng mga kapanig dati ni Pompey na mga Optimates na nagtungo sa Aprika. Ang oposisyong ito ay pinamunuan nina Nakababatang Cato at iba pang mga malalakas na opisyal.

    Hinarap ni Caesar ang hamon ng pakikipag-isa sa pamamagitan ng pag-uusap muna upang maseguro ang katatagan ng gobyernong Romano. Ito ang dahilan kung bakit niya sinundan ang lupon ng mga Optimates sa Aprika).

    Lumapag siya sa Hadrumentum, sa may silangang pampang ng modernong Tunisia sa Aprika.

    Ang Hadrumentum na ito ay siya ngayon ang lugar na Hammeim (HAMIM) na bahagi ng Susa sa Tunisia. Mayroon dala si Caesar na tatlong libo at limang daang lehiyonaryo at sandaan at limampung kabalyerya…

    …Ang lugar ng Ruspina ay sa ngayon nasa lugar ng Henchir Tennir na may limang kilometrong layo mula sa modernong siyudad ng Monastir sa Tunisia. Ang Ruspina ay may layong humigit kumulang sa limampung milya magmula sa Hadrumentum.

    “Pansamantalang humingi ng bakasyon ang tenyente ni Caesar na si L. Plancus para makipagkita kay Gaius Considius Lungus ang kumandante ng lehiyong kaalyado ng mga Pompeyano at kasaping Konserbatibong Rebublikano na may hawak ng Hadrumentum. Sinabi ni L. Plancus na sisikapin niya, hangga’t maari, na makausap niya si Considius para makipag-ayos siya dito.

    Nagpadala ng sulat si Plancus kay Considius sa isang bihag nila. Bago pa man tinanggap ni Considius ang sulat, tinanong niya kung kanino galing iyong sulat at noong sinabi ng mensahero na galing iyon kay Caesar, nagsabi si Considius na walang ibang heneral sa armi ng Romano kundi si Scipio- si Quintus Caecillus Metellus Pius Scipio lamang. Pagkatapos pinapaslang niya ang mensahero sa harap niya at ang sulat na dala, hindi niya binasa o binuksan man lamang kundi ipinadala niya ito kay Scipio sa isang pinagkakatiwalaan niyang partisano.

    Naghintay ng isang gabi at isang araw ng kasagutan si Caesar at noong wala siyang natanggap na kasagutan, minabuti niyang hindi magtagal doon at baka lulusob mula sa kanyang likuran ang mga kaaway at kukubkubin sila doon. Ayaw pa niya noong masabak sa labanan dahil hindi sapat ang kanyang puwersa, at isa pa mga baguhan pa ang mga ito.”

    “..,Nagsimula silang sumugod mula sa likuran. Biglang kaagad huminto ang lehiyon ni Caesar at biglang sumalakay ang kanyang kabalyerya sa mga moro. Nagtakbuhan ang mga moro na tauhan ng mga Optimates subalit pabugso-bugso silang sumusulpot na sumasalakay bagaman sila’y napapatakbong paalis kapag sinusugod sila ng kabalyerya ni Caesar. Nagpatuloy silang alerto bagaman na-obserbahan niya na habang palayo sila nang palayo, nawawalan naman ng gana ang mga taong Numidia sa kanilang pasulpot-sulpot na pagsalakay.”

    “…Nagdatingan ang mga kasama ng kanyang armada nang hindi sinasadya at nag-ulat sa kanya na ang iba nilang mga kasama ay nagtungo sa Utica dahil hindi sila sigurado kung saan sila maglalayag. Pinapunta niya ang mga kabalyerya sa mga bapor para maiwasan ang pagdarambong ng mga ito sa bayan at nagpadala siya ng tubig inumin para sa kanila doon.”

    “…Nagpadala si Caesar ng sulat at mga mensahe sa Sardinia at mga karatig probinsiya na nagbibigay ng mga kautusan na pagkabasa nila sa sulat ay dapat silang magpadala ng mga kalalakihan, mais at mga kagamitang pandigmaan. Pagkatapos niyang naipababa ang mga kargamento sa mga bapor ng armada, pinapunta niya ito sa Sicily sa pamunuan ni Rabirius Posthumus upang kuhanin ang pangalawang lupon at kargamento….”

    Please listen to the podcast for the whole story.

    Más Menos
    35 m
  • Imperio Romano - J Caesar 17 (“Veni, Vidi, Vici” )
    May 17 2025

    Labanan sa Zela

    ( “Vino, Vidi, Vici”- “Ako’y Dumating, Tumingin, Nanagumpay” )

    “…Marahil ay naalimpungatan si Caesar mula sa kanyang mataga-tagal ding pagtigil at indulhensiya sa kaharian ng Ehipto at sa piling ni Cleopatra. Sa kanyang pagtigil doon pagkatapos na umupo sa pamunuan si Cleopatra, siya’y nalibang sa karangyaan, piyesta, maluhong paglayag sa Ilog Nile at ibang wagas ng pagtamasa ng karangyaan ng mga monarkiya.

    Sa pag-alis ni Caesar, nag-iwan siya sa Alexandria ng tatlong lehiyon para tumulong sa pamunuan ng Ehipto kung kinakailangan. Inilagay niya si Cleopatra kasama ng kanyang nakababatang kapatid na si Panglabing-apat na Ptolemy Philopator bilang mga pamunuan ng Ehipto. Nagtungo si Caesar sa Turkiya at naglakbay siya ng humigit kumulang ng apatnapung araw sa pagdaan niya sa Syria, Cilicia at Cappadocia para makarating siya sa Pontus na kaharian ni Pangalawang Pharnaces.

    Batay sa panulat ni Aulus Hirtius na tenyente ni Caesar: “Noong dumating sa Syria si Caesar na galing sa Ehipto, at nalaman niya na ang gobyerno sa Roma ay masama ang pagkakapamahala, inisip niya na kinailangan niyang unahing ayusin ang estado ng mga probinsiya na madadaanan niya. Ito’y inasahan niyang maisasagawa niya sa Syria, Cilicia at Asya dahil ang mga probinsiyang ito ay walang digmaang kinakasangkutan. Sa Bithynia at Pontus, talagang inasahan niya ang mas malaking kaguluhan doon dahil natanto niya na nagpatuloy pa rin si Pharnaces sa kanyang kapangahasang manakop at malamang na hindi siya titigil kaagad dahil nakatikim na siya ng pagwagi.”

    “…Paglapit niya sa rehiyon ng Pontus sa bandang Timog na bahagi ng Itim na Dagat o Black Sea, at nakarating siya sa unang bahagi ng probinsiya ng Galatia, doon, sinalubong siya ni Deiotarus.

    Si Deiotarus ay siyang pinuno sa probinsiyang iyan at nanghingi siya ng tawad kay Caesar dahil sa pag-alalay niya dati sa puwersa ni Pompey doon sa nangyaring bakbakan sa Pharsalus. Noong natalo ang puwersang Pompey sa digmaan sa Pharsalus dalawang taon na noon ang nakakaraan, bumalik si Deiotarus sa Asia Minor. Nabawasan ang teritoryo ni Deiotarus dahil sa kanyang pagkatalo sa bakbakan na nangyari sa Nicopolis sa nakalipas na dalawang taon at dahil sa reklamo ng ibang mga ibang mga prinsipe sa Galatia…”

    “…Kagaya ni Deiotarus, pinuntahan din ni Ariobarzanes si Caesar at nanghingi ng patawad sa kanyang dating pagsuporta kay Pompey. Pinatawad siya ni Caesar at nagutos siyang magdala si Ariobarzanes ng mga suplay at hukbo na maisanib sa kanyang dalang hukbo para kalabanin ang arming Pontus ni Pharnaces.

    Habang siya’y nasa Syria, may mga sugong dumating kay Caesar na pinadala ni Haring Pangalawang Pharnaces, para makiusap kay Caesar na huwag siyasanang darating doon na kaaway dahil susunod naman siya sa lahat ng kanyang kautusan.

    Ipinangako ni Pharnaces ang lahat subalit iniwas niyang binanggit ang kanyang mga isinagawa sa mga digmaan. Nakuha ni Caesar ang pahiwatig nito, at kagaya ng kanyang kinasanayang gawi sa mga hindi diretsahang pangausap kundi mga alanganing paramdam, niresolba niyang pinagpasyahan ito sa madaling panahon. Ang tanging panglutas dito ay digmaan.

    Dumating si Caesar sa Pontus at pinulong niya lahat ng kanyang puwersa na samasama. Hindi lamang ang bilang ng puwersa na natipon ang malaki kundi pagdating sa disiplina ang mga ito ay bihasa na. Ang pang-anim na Lehiyon na binuo ng mga beterano na dala niya magmula Alexandria ay naroon bagaman nabawasan na at kulang-kulang na ito sa sanlibung sundalo. May mga ilang pangkat na binuo ng mga‘vexillationes’ o ad hoc at pansamantalang yunit ng hukbo na itinatatag sa krisis ng pangangailangan. Ang mga mandirigmang ito sa armi ni Caesar ay mga nakaligtas na sundalo sa armi ni Domitius Calvinus sa nakaraang labanan…”

    Please listen to the podcast for the full story.

    Más Menos
    26 m
  • Imperio Romano J Caesar. 16 (Ehipto & Cleopatra)
    May 16 2025

    “Habang si Caesar ay nasa Alexandria, marami sa mga dating opisyal ni Pompey, na noong nawala na ang kanilang pinuno, sila ay nagpuntahan kay Caesar upang sumuko. Tinanggap ni Caesar sila ng mabuti….

    Ang astang ito ni Caesar ay malaki ang kahalagahan at maraming dulot na mga epektong wagas namakakasagot sa kanyang mga pakay na gawin. Ang wagas ng pagkamatay ni Pompey ay nagdulot ng malaking aral at babala sa kanya. Sa sitwasyong nahaharap sa kanya noon sa Ehipto, kailangan niya ang lehiyon na magiging matapat sa kanya at matapat sa pagiging Romano. Ang mga taga Ehipto ay kaiba sa mga Romano at mayroon silang sariling pinuno nakanilang pinaglalaanan ng kanilang katapatan at kabayanihan.

    …Sa panahong iyon sa Ehipto, ang mga pangyayari doon ay nasa puntong nakakapagbigay ang mga ito kay Caesar ng pagkakataong mapapakinabangan niya.

    Ang Ehipto noon ay nasa alanganin sa kanyang pamunuan. Nasa kalagitnaan noon ang hidwaan ng pamilya na pamunuang monarkiya sa Ehipto.

    Nangyayari ang paligsahan para sa pamunuan at ito ay sa pagitan ng magkapatid na Panglabingtatlong Ptolemy(XIII) na noon ay labin-tatlong taong gulang lamang at ang kanyang nakakatandang kapatid na babae na si Cleopatra….

    Ang magkapatid na ito ay mga anak ng namatay na paraon ng Ehipto na si Ptolemy XII o Haring Auletes.

    Bago namatay ang paraon noong taon 51 BC, naghabilin siya na dapat pakasalan ni PTOLEMY XIII na kanyang anak na lalaki ang kapatid nitong nakakatanda na si CLEOPATRA para pareho silang mamuno sa Ehipto.

    …Si Panglabingtatlong Ptolemy ay sumusuporta sa tradisyon ng pamunuang Ptolemy dahil sa impluwensiya ng kanyang mga taga-payo at rehente. Samantala, si Cleopatra ay nagsikap na paglapitin ang pamunuang Ptolemy at ang masa ng mga mamamayang Ehipto. Pinag-aralan ni Cleopatra ang lengguaheng Ehipto maliban pa sa lengguaheng Ebreo at lengguaheng Ethiopia. Nakikisali siya sa mga seremonya sa relihiyong Ehipto at ang kanyang pangitain sa pamunuan ay hindi katugma ng mga pamamaraan ni Ptolemy at ng kanyang mga tagapayo.

    Sa taglagas ng taon 48 BC sa udyok ng kanyang rehente at mga taga-payo pinagtangkaang ipapatay ng nakababatang Panglabingtatlong Ptolemy (Ptolemy XIII) ang kanyang kapatid na si Cleopatra. “

    “.. . Alam ni Caesar na ang Ehipto sa panahong iyon ay mayamang bansa at interesado siyang makaalam ng mapaghahanapan ng yaman na pambayad sa mga utang niya at pangsuporta sa kanyang kampanyang militar laban sa mga natitirang lupon ng mga optimates na nagpuntahan sa Aprika at doon ay nagsisimulang mambuo ng lupon.

    …Nagpasya si Caesar na mamamagitan siya sa hidwaan nina PTOLEMY XIII at ni Cleopatra sa pamunuan ng Ehipto bago siya bumalik sa Roma.

    Magmula sa kanyang tirahan sa may palasyo sa Alexandria, idineklara ni Caesar ang kanyang sarili na taga-garantiya sa pagkakasaganap ng mga huling habilin ni Haring Auletes. Pinatawag ni Caesar si Ptolemy at si Cleopatra upang mag-usap-usap sila tungkol sa hinaharap ng Ehipto. Bagaman pilit sa kalooban, pinadala ng mga taga-payo ng palasyo ang binatilyong Hari, si Panglabingtatlong Ptolemy. Matigas ang kalooban ng panig ni Ptolemy na tumungo sila sa Alexandria na ang pakay ay paalisin doon ang hukbo ni Caesar. Ayon sa ibang mananaliksik, nagpadala muna si Cleopatra ng tauhan niyang makipag-usap kay Caesar subalit pagkatapos noon naisip niya na mas mabuti kung siya ang pupunta mismo. Nangako naman si Caesar na pauunlakan niya siya ng lihim na pakikipanayam.

    Subalit pinaharangan ni Ptolemy si Cleopatra na makapasok sa Alexandria kaya siya ay nanatili sa labas ng siyudad. Alinsunod sa kautusan ni Ptolemy pinagbawalan siyang pumasok ng mga galit na mga sundalo at malupit na mga mamamatay taong nagsusuporta kay Panglabintatlong Ptolemy.

    Nagplano si Cleopatra kung papaano siya makapasok doon…

    Más Menos
    42 m
  • Imperio Romano J Caesar 15 (Si Pompey)
    May 13 2025

    PART 15 SI POMPEY

    (ANG PAGTAKAS NI POMPEY)

    Pagkapuwersang pinasok ng mga tao ni Caesar ang mga pandepensang trinsera ng kampo ni Pompey, nagulat ito. Kaagad niyang hinubad ang kanyang kasuotang heneral. Sumakay siya sa kanyang kabayo at parang sibat siyang lumabas sa likurang lagusan ng kampo. Sumunod na nag-takbuhan ang kanyang lehiyon.

    Nagtungo siya sa direksiyon ng bayan ng Larisa.

    “…Alerto at mailap siyang nag-oobserba habang siya’y malalim na nag-isip. Malalim, na kagaya ng nakasanayan niyang gawin sa laon ng tatlumpu’t apat na taong nasanay siya na siya ang nagwawagi, nanunugpo at nagiging kapangyarihang namumuno sa lahat subalit sa pagkakataong, sa unang pagkakataon sa kanyang katandaan, ay mararanasan niya ang pagkatalo at sapilitang pagtakas. Naisip niya kung papaano na sa laon ng isa at kaisa-isang oras lamang ay nahugot sa kanya ang kapangyarihang nakamit niyang bunga ng mga nakaraang maraming digmaan at alitan – siya, na kani-kanina lamang ay guwardiyado ng napakakisig na porma ngimpanterya at kabalyerya at ngayon ay tumatakas nang napakawalang kahala-halaga at isang napakababa…”

    “…Nagpahinga siya sa isang maliit na kubo ng mangingisda at doon siya nagpalipas ng magdamag. Sa madaling araw, sumakay siya sa sasakyang ilog at dala niya ang kanyang mga kasama na mga libertini, mga mamamayang Romano na dating mga alipin na napalaya sa prosesong ‘manumission’ at nabigyan ng karapatang mamamayang Romano). Sinabihan niya ang kanyang mga katulong na bumalik sila kay Caesar, na huwag silang matakot. Namaybay siya sa ilog hanggang sa nakakit siya ng malaki-laking “corbitae” o barkong pangkalakal na makakakayang maglayag sa karagatan. Namukhaan siya ng kapitan na si Peticius…”

    Sa Ehipto: … Inatasan nila si Achillas na siyang magplano at maneguro na ang plano aymaisaganap. Kinuha ni Achillas ang isang sundalong romano na kasalukuyan noong naninilbihang mersenaryo ng garison na Gabiniani ng hukbong Ptolemy. Siya si Lucius Septimius na minsan ay tribuno ni Pompey. Ang isa pang taong kinuha ni Achillas ay si Salvius, isang senturyon at kasama nila ang tatlong taga-silbi at sakay sa maliit na sasakyang pang-tubig, nagtungo sila sa bapor ni Pompey na nakatigil sa malapit sa pampang at naghihintay ng kasagutan.

    “Sa oras na iyon, lahat ng mga maimpluwensiyang Romanong kasama ni Pompey na naglayag ay umakyat sa bapor na kinaroroonan ni Pompey at nagtataka sila sa nangyayari kung bakit pinaghihintay sila ng matagal…”

    “…..Binati niya si Pompey sa salitang romano at nagbigay galang siyang tumawag dito ng imperator. Nagsaludo kay Pompey si Achillas at nagsalita ng Griyego. Inalok niya si Pompey na lumipat sa bangka dahil ang mababaw na bahagi ng pampang ay malawak, na ang ilalim ng dagat ay buhangin at hindi sapat ang kalalim ng tubig doon para sa bapor….”

    “…Pagkatapos siyang magpaalam at yumakap kay Cornelia, nag-utos na si Pompey ng dalawang senturyon na maunang umakyat sa bangka bago siya, sa tabi ni Philip, isa sa kanyang libertini at kanyang tagasilbi na si Scythes. Habang inuunat ni Achillas ang kanyang kamay kay Pompey, lumingon ito kay Cornelia at sa kanyang anak at binigkas niya ang mga taludtod mula kay Sophocles:

    “Whatever man unto a tyrant takes his way,

    His slave he is, even though a freeman when he goes.”

    “Anumang taong magagawang pilitin ng isang mapaghari, Alipin siya nito

    kahit taong malaya siya sa kanyang pupuntahan.”….

    Más Menos
    35 m
  • Imperio Romano J Caesar 14 (Dyrrhachium & Pharsalus)
    May 8 2025

    PART 14 DYRRHACHIUM AT PHARSALUS

    Pagkatapos masugpo ni Caesar lahat ang mga kaanib ni Pompey sa mga lugar na sinugod niya sa Hispania, nagpa-silangan siya para tumawid siya sa Dagat Adriatiko noong Enero ng 48 BC.

    Samantala, habang nangangalap ng mga karagdagang hukbo si Pompey, si Caesar ay patawid sa Adriatico subalit siya’y naudlot at naharang siya sa Gresya kasama ang pitong lehiyon ng hukbo. Ang iba sa kanyang armi ay naiwan kay Mark Antony sa Brundisium. Habang naglilikom sila ng mga suplay, tinangka niyang kubkubin at okupahan ang Dyrrachium subalit umurong siya noong naunang dumating doon sa siyudad si Pompey. Sa bandang Abril, nakarating si Mark Antony at ang kanyang hukbo para maalalayan si Caesar laban kay Pompey.

    Nangyari ang labanan ng dalawa sa Dyrrhachium o Epidamnus (48 BC) sa dalampasigan ng Adriatico at tinagurian na ngayon na siyudad ng Durres sa Albania).

    Tinangkang hamunin ni Caesar si Pompey ng sagupaan subalit hindi siya pinansin ni Pompey dahil ang estratehiya noon ni Pompey ay ang pagurin niya ang hukbo ni Caesar sa gutom. Nagtangka muli sa Caesar na dakipin ang Dyrrhachium. Malakas ang posisyong depensa ni Pompey sa Dyrrhachium dahil sa likuran niya ay dagat at sa harap niya ay mga bundok…

    Samantala, ang kampo ni Caesar ay nasa mataas na lugar sa looban kaya kinailangan niyang paghanapin ang kanyang hukbo ng kanilang pagkain at pangangailangan. Nag-umpisa si Caesar ng pagpagawa ng doble-harang sa paikot ng pinagkampuhang lugar ni Pompey para maharangan si Pompey sa kanyang pagpahagilap ng pagkain para sa kanilang mga kabayo at hayup na dala….

    “Pagkatapos ng kanilang pag-urong mula sa Dyrrhachum, nagtungo si Caesar sa bandang Timog at nagpasilangan sa siyudad ng Appolonia. Panandaliang huminto ang hukbo ni Caesar doon at para gamutin ang mga nasugatan sa kanyang mga tauhan, bayaran niya ang kanyang armi, palakasin ang loob ng kanyang mga kaalyado at iwanan ang kanilang mga kuwartel…” “Dumating siya sa Aeginium at kinatagpo niya doon si Gnaeus Domitius Calvinus. Pagkatapos na magka-ugnay ang puwersa ni Caesar, nagtungo sila sa Thessaly at sa mga lugar na hindi pa napuntahan ng mga nandarambong na mga Romanong armi. Sa tiyempong ito, nakatagpo niya ang marami sa mga nawala at naligaw niyang mga hukbo. Samantala, ang kampo ni Pompey ay nagpapakalat na ng mga balitang nang-uunsiyami sa hukbo ni Caesar na tinalo nila kakaraan lamang. Kaya maraming komunidad na nadaanan nila ang malabnaw na maki-isa sa hukbo ni Caesar ang tingin ng mga ito sa hukbo ni Caesar ay mahina sila. Hindi sila pinapasok ng siyudad ng Gomphi dahil ayaw ng mga mahistrado doon na umalalay sa isang hukbong baka lamang matalo sa digmaan…”

    “…. Subalit sa sumunod na mas malaking bakbakan sa Pharsalus,…Maraming mga kaanib ni Pompey ang sumuko kay Caesar kasali na rito sina Marcus Junius Brutus at Cicero. Samantala, tumakas papuntang Ehipto si Pompey at doon humingi siya ng tulong sa hari doon at permiso na doon siya muna tumigil at magkanlong (refuge). Si Haring Ptolemy ng Ehipto ay dating kliyente ni Pompey kaya napagpasyahanni Pompey na doon siya humingi ng tulong. Lingid sa kaalaman ni Pompey, sa halip na tutulungan siya nito, napagdesisyonan na ng korte ni Ptolemy na ipagkanulo nila si Pompey dahil sa takot ni Ptolemy kay Caesar pagkatapos nilang malaman na natalo si Pompey kay Caesar sa nakaraang bakbakan ng Pharsalus…..”

    Please listen to the full podcast for the complete narrative.

    Más Menos
    36 m
  • Imperio Romano J Caesar 13 (Utica & Bagradas)
    May 3 2025

    MASSALIA AT APRIKA (UTICA AT BAGRADAS)

    “Samantala, habang nasa Hispania na abala sa Ilerda si Caesar, ang mga taga Massilia na noon ay kinubkob ng hukbo ni Caesar sa pamumuno nina Gaius Trebonius at Decimus Junius Brutus Albinus ay nagtipon ng kanilang mga sasakyang pangkaragatan sa otoridad ni Domitius.Naglagay siya sa mga ito ng mga mamamana, mandirigmang taga Gaul at mga desperadong Romano na dala niya mula Italia at pinagsilbi niya ang mga ito na mga marino. Namuno si Decimus Brutus ng Kampong Pompey ng mas kakaunting mga bapor subalit ang mga nakasakay doon ay karamihan ay silang pinakamagagaling na mga sundalo sa lehiyon ni Caesar. Nakahanda silang makipagbakbakan ng husto na gamit ang kanilang ga armas. Malakas ang kanilang loob dahil nasa kanila rin ang mga kagamitang kakailanganin sa pagbihag at pagsakay sa mga barko ng kalaban.”

    “…SAMANTALA SA ROMA ini-nominar ng praetor doon na si Marcus Lepidus si Caesar upang maging diktador. Agad na nagkumpirma ang senado. Ipinaalam ito kay Caesar na noon ay nasa Massilia at kaya noong natapos ang pagkubkob sa Massalia at sumuko na ang kabayanan, tumungo sa Roma si Caesar. Sa mga panahong ito, alam na ni Caesar ang nangyaring sakuna sa kanyang dating legatus na inatasan niyang kumandante ng hukbong sasakop sa Sicily at tutungo sa Aprika na si Gaius Scribonius Curio.”

    “…Si Curio ay tribuno ng mga plebeyo sa nakaraang taon at siya ang nagmungkahi na upang maresolba ang hidwaan noon sa senado dapat ay pareho sina Caesar at Pompey na alisang ng hukbo at kung hindi ay ideklara silang parehong kaaway ng publiko. Dapat hindi kay Caesar lamang ibigay ang kondisyon na iyon. Hindi pumayag ang senado, bagkus ay pinagbotohan nilang alisan si Caesar ng hukbo. Kasabay ng pangyayaring ito ang pagtapos noon ng pagkatribuno ni Curio at siya ay tumuloy sa Ravenna, sa may pampang ng Ilog Rubicon para makisugpon kay Caesar. Kasama si Curio noon sa hukbo ni Caesar sa nangyaring digmaan laban sa tribung Gaul sa Corfinium kung saan si Curio ay nagdala doon noon ng dalawampu’t dalawang pangkat ng narekluta niyang sundalo sa hukbo.

    Pagkabigay ni Caesar kay Curio ang tatlong lehiyon para sakupin ang Sicily siya ay tumuloy siya sa Aprika..”

    “…Nagtungo si Curio sa Sicily sa Abril. … Dahil sa kakulangan ni Curio sa karanasan sa digmaan, ipinadala sa kanya ni Caesar bilang legatus niya, si Gaius Caninius Rebilius na beterano at maasahan sa labanan at sa panahong iyon ay magmumula sa Brundisium….”

    “…Nalaman din ni Curio ang pagdating ng hari na ang kanyang armi ay mga dalawampung tatlong milya lamang ang layo nito sa kanya kaya iniwan niya ang Utica at nagpunta siya sa Castra Cornelia na ginawa niyang kampo.”

    “…. Nagpadala ng madali-ang mensahe si Curio sa Sicily at hiningi niya na ang kanyang mga opisyal doon ay kaagad na magpadala ng dalawang lehiyon at ipadala rin ang kabalyerya na ipinaiwan niya doon.”

    “…may mga tumiwalag sa kabilang kampo sa Utica na nagpunta sa kanya at nagbalita tungkol sa parating na puwersa ng mga Numidia. Ipinagpilitan nila na si Haring Juba ay wala roon at sa katunayan ay nasa malayo pa siya, nasa isang daan at dalawampung milya ang layo niya sa kanila sa malapit sa Leptis at siya’y abalang nagreresolba ng pag-alsa doon. Sinabi nila na ang dumarating na hukbo na pinamunuan ni Surra ay kakaunti lamang sila. Inutusan ni Curio ang kanyang kabalyerya pagdating ng dilim na hanapin nila kung nasaan nagkampo itong si Saburra. Nagbilin din siya na hintayin siya at ang hukbo doon dahil susunod sila. Nag-iwan siya ng ka-apat ng kanyang puwersa sa kampo sa kamay ni Marcius Rufus at noong bago magbukang liwayway, nagpunta si Curio sa Ilog ng Bagradas…”

    Please listen to the podcast for the complete story in this chapter (13)

    Más Menos
    28 m
adbl_web_global_use_to_activate_T1_webcro805_stickypopup